Windel Clerigo
Pambujan, Northern Samar

Ngumunguyngoy na naman ang hangin sa labas.

                    Nagmumura na naman.

                    Ano na naman kaya ang ikinagagalit niya?

                    Kasama ang dalawa kong maliliit na mga kapatid ay sama-sama kaming namaluktot sa sulok ng aming papag. Nakikinig. Nakikiramdam. Naghihintay.

                    Mga kaldero, baso, tabo, tupperwares— nakakalat sa sahig, sinasalo ang bawat patak na nagmumula sa tigyawatin naming bubungang yero.

                    Lumalangitngit na ang mga haligi sa ugoy ng malakas na hangin– itinutulak ang pundasyon ng munti naming barong-barong, dahan-dahan, hindi pinahahalata ang kagustuhang tuluyan na itong bunutin mula sa pagkakabaon.

                    Wala pa si itay… ilang baka kaya ang makaliligtas pagkatapos nitong unos?

                    Wala pa si inay… gaano katagal pa kaya bago mabura ang pangalan niya sa listahan ni Aling Bebang?

 

Ika-13 ng Mayo. Hapon. Katulad ng nakagawian ay abala kaming lahat sa kanya-kanyang mga gawain. Naglilipat ng mga baka si itay, nangungusina si inay, ako nama’y mga pananim ang pinagkakaabalahan—nagdidilig, nagtataboy ng mga kulisap na ngumangatngat sa mga dahon, at nangongolekta ng mga hinog na bungang maaaring mabulok lang kapag hindi agad napitas. Ang dalawang bata naman ay naglalaro ng putik.

                    Makulimlim ang langit, ito ang una kong napansin. Hindi dahil sa palubog nang araw kundi dahil sa mga abuhing ulap na tila nagkakarerahan sa himpapawid. Sumunod ang paglipana ng tila natatarantang mga ibon– umiikot-ikot, sabay-sabay na nag-iingay na tila may nais ipahiwatig.

                    Tinawag ko si itay, tinanong kung may nabalitaan ba siyang paparating na bagyo. Sabi niya’y “Wala. Hindi rin naman ako nagtagal sa bayan kanina.”

 

Ika-14 ng Mayo. Madaling araw. Nagsimulang magalit ang panahon. Bumalik si itay mula sa bayan dala ang masamang balita– “Malakas daw na bagyo ang paparating. Mamayang tanghali ang pagtama sa lupa.”

                    Sinalubong siya ni inay, bakas sa mukha ang pagkabahala. “Kailangan ba nating lumikas?”

                    Ilang segundong katahimikan ang namayani sa loob ng barong-barong habang marahang tinatanggal ni itay ang suot na kupas nang jacket. Tahimik rin niyang tinungo ang lalagyan niya ng sundang at lubid na madalas niyang dalhin kapag naglilipat ng mga baka.

                    Kaming apat– ako at ang dalawa kong nakababatang kapatid, pati si inay– naghihintay ng kanyang sagot.

                    “Wala tayong malilikasan. Puno ng mga pasyenteng nakakwarantina ang mga evacuation center.”

                    Pagkatapos isuot ang botas ay muli niya kaming hinarap. “Ililipat ko lang ang mga baka sa ligtas na lugar.” ito ang huli niyang sinabi bago nagmamadaling lumabas ng bahay.

                    Nilingon kami ni inay, hindi pa rin nabubura ang pagkabahala sa mukha. Ilang beses na nagparoo’t parito tanda ng pagkabalisa.

                    Huminto siya sa kagagalaw saka humarap sa aming magkakapatid.

                    “Dito lang kayo sa bahay. Luluwas lang ako ng bayan, bibili lang ako kina Aleng Bebang ng mga pagkain para may imbak tayo hanggat hindi pa humuhupa ang bagyo.” Ito ang huli niyang tugon, at katulad ni itay, agaran din siyang umalis, suot ang botas, at ang iniwan ni itay na kupas nang jacket.

                    Umungol na naman ang hangin. Pilit tinutuklap ang kalawanging bubungang yero ng aming tahanan. Nagdadabog sa pinto at mga bintana. Nagpupumilit pumasok. Pati ang ulan, nagdadabog na rin. Tinatambol na ang bubong.

                    Hindi na patak-patak ang sinasalo ng mga kaldero kundi buhos na. Nagmistulang mga bukas na gripo ang mga butas ng yero. Tumitilamsik na rin sa amin ang ulan mula sa labas na nakasalisi papasok, sa tulong ng natuklap naming bintana.

                    Nagsimula nang mag-iyakan ang dalawang bata. Binalot ko silang maigi ng makapal na kumot. Ito lang ang tangi kong magagawa upang maibsan ang lamig, upang maibsan ang pagkabahala, ang takot, kung maiibsan man.

                   Wala sana kami rito. Katulad sana ng mga nagdaang bagyo, sa kalapit na evacuation centers sana kami namamalagi ngayon. Mas ligtas, mas panatag na marami kaming kasama, mas mainit. May pagkain, may tuyong higaan. Hindi katulad ngayong tila inabandona kami ng kabihasnan dito sa gitna ng bukid, kung saan maaari kaming mawala nang walang maiiwang bakas.

                    Wala sana kami rito, kung hindi lang naging imbakan ang mga evacuation centers ng mga may sakit.

                    Alam kong maraming katulad namin ang pareho rin ang ipinangangamba– kung aabot pa ba kami kinabukasan, kung aabutan pa namin ang paghupa ng bagyo. Kaming mga nakatira sa pinagtagpi-tagping yero na walang malikasan sa kasagsagan nitong unos, at yaong mga may sakit na nagkukumpulan sa evacuation centers, mukhang magpapaligsahan na lang kami kung sino ang unang mamamatay…

 

Namatay ang lampara.

                    Mas lumamig ang paligid. Mas lumubha ang takot. Nakababaliw na ang pangamba, hindi para sa sarili kundi para sa mga    nakababatang kapatid at sa hindi pa umuuwing ama at ina.

                    Inilipad ang isang bahagi ng aming bubong, sa may bandang kusina.

                    ‘Asa’n na kaya ang butihin naming mga magulang?’

                    Mas tumaas pa ang tubig, abot na ang nakaangat naming papag.

                    ‘Makauuwi pa kaya sila ngayon? Lumakas na ang bugso ng hangin.’

                    Inakay ko ang dalawa kong kapatid at nagpatulong na buhatin ang mesa paakyat sa may papag upang doon manatili at hindi maabot ng baha. Nanginginig na ang dalawa, marahil sa lamig, o baka sa takot– marahil pareho. Maski ako’y nangangatal na rin sa lamig, nangungulubot na ang balat na kanina pa basa.

                    Nang makapwestong muli sa sulok ay muli kong pinulot ang makapal na kumot na tanging makapagpapainit sa nangangatal na naming mga katawan, muling ibinalot sa dalawa kasabay ng mahigpit na yakap— sana kahit papaano’y mapanatag sila, mapanatag ako.

                    ‘Aabutan pa kaya kami ng kinabukasan?’

                    Muling umungol ang hangin– isa.

                    Sinundan agad ng malakas na alulong– dalawa.

                    Hanggang sa ito’y naging hiyaw ng tila isang baliw na may pagnanasang pumatay– tatlo.

                    Bumagsak ang puno ng mangga mula sa aming bakuran at giniba ang kabuuan ng aming kusina.

                    ‘Kung sakali mang maabutan pa kami ng pagsikat ng araw bukas… paano sa mga susunod pa?’

                    Nagsimula nang dumausdos ang mga luhang kanina ko pa pinipigilang kumawala. Mas hinigpitan ko pa ang yakap sa dalawang bata, itinago sila sa ilalim ng kumot, saka binulugan, “Isipin n’yo na lang na naglalaro tayo ng bahay-bahayan.” Isang desperadong ilusyon na maayos pa ang aming tirahan. Isang kasinungalingang pilit ipinapasok sa utak ng mga paslit at sa sarili upang matabunan ang takot na kanina pa naglalaro sa isipan.

                    Nakababaliw ang pagputakte ng mga katanungang paano kung… sa aking isipan.
                    Hindi ko na alam ang maaari pang mangyari bukas. Kung may bukas pa man para sa amin.

                    Simula pa lang ito ng awiting abakada.

                    Umaambon pa lang.

                    Nagsisimula pa lang ang ulan.

                    May mas malakas pang mga buhos na darating.

                    Hindi ko alam kung paano pa maghahanda.

About the Author

Windel Joy Clerigo was born on November 2, 2000. She is from Pambujan, Northern Samar. She is an AB Literature student of the University of Eastern Philippines and currently in her third year of her undergraduate studies. As a literature student and enthusiast, her aim is to hone her skill in creative writing and promote Philippine Literature.