Paul Joshua Morante

Nakagigimbal ang katahimikan ng lungsod
Hungkag ang mga terminal
Pantalan, paliparan, bahay sambahan
Inabandonang paslit ang lansangan
Wala ang mga nagmamadaling yabag
Ng mga komyuter
Nangungulila ang aspaltadong kalsada
Sa salimbayan at ingay ng mga sasakyan
Tahimik ang dating rumaragasang bagon
Na tumutudla sa kahabaan ng EDSA
Nakatanod na balyan ang araw
Ginugunaw lahat nang masayaran
Hindi natitinag ang mga poste ng ilaw
Nananalangin ang mga puno
Nakataas ang malalabay na sanga
Inaabot ang walang hanggang bughaw na langit
Kinandado ang 7/11 sa kanto
Pati ang Jollibee sa tabi ng terminal ng bus
Sa silid, nahihinog ang lumbay
Pinakikiramdaman ang pintig ng bahay
Hungkag na sala, malungkot na sofa
Nakatitig ang mga libro, tumatangis ang pader
Hinihiwa ng elise ng bentilador ang alinsangan ng silid
Umupo ako sa silya malapit sa bintana
Lumapat ang preskong hangin sa pisngi
Namimigat ang aking mga talukap