Ralph Lorenz Fonte

At pagkatapos ng mga bangkay ay pagsibol
sapagkat matabang lupa ang lahat ng katawan
na inuka ng ubo at ginapas ng punglo
at nagdagta ng dahak at dugo. Sa mga madlang-puntod
nagiging mga paso ang mga basag na bungo;
ang pagkaagnas ay isa lamang uri ng paghinga.
Muli, lumulukso na sa mga lansangan ang mga usa
at umaawit ng harana ang mga tandayag sa laot
at hitik sa siyap ng mga inakay ang mga puno’t bubong
habang lumalago ang mga kagaw sa nanang
nagnanaknak sa baga at sa humpak na tadyang
ng mga tore ng lungsod. Pag-ut-ot ng amag
sa utak. Pamimilipit ng kimpal ng uod.
Panonoorin tayong mangamatay ng pananalasa
ng mga bangaw at ng libo nilang mata.
at magpipiging ang marami nilang kamay
sa mga labi nating nangaaagnas.

Magwawakas din ang lahat ng ito.
Lumalatag na ang mga linok sa mga patay
na kahapon: kawad ng kuryente, impis na gulong,
mga palengke, seleponong basag, walang-hanggang
palanguyan, tarangkahan ng binakurang nayon.
Pagtila ng ulan, uupo sa hagibisan ang isang salinlahi
ng mga palaka at mangangapal ang hangin
sa kantikong uugong. Sa lupang pinagpikitan
ng walang-bilang na bayan, may sisibol na sako
ni Hudas, dambuhala, at kumukulo sa gutom
ang mga dahon nitong banga. Kaya lululunin
ng kaniyang mga bibig ang bawat lalapit
na daga, na lamok at langaw, hanggang malusaw
sa mga sikmura nito ang balang panginoong bangaw
at pagkatapos ng kanilang mga bangkay
ay mamumulaklak muli ng araw.