Mark P. Bonabon
Biri, Hilagang Samar

Ayon kay Resil Mojares, isang historyador, kritiko, at Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan, “ang Pilipinas ay bansang nabuo bunsod ng mga pagsasalin.” Pinatunayan niya ito sa pamamagitan ng pagbanggit sa apat na mga “una” sa kasaysayang pampanitikan ng Pilipinas: ang unang libro na naimprinta sa Pilipinas ay isang salin, ang Doctrina Christiana (1593); ang unang naimprintang aklat na Pilipino ang may-akda ay ang manwal para sa mga Tagalog na nag-aaral ng wikang Español, ang Librong pagaaralan nang manga Tagalog nang uicang Castilla (1610) ni Tomas Pinpin; ang unang aklat ng mga tula na isinulat ng isang Pilipino ay librong nasusulat sa Latin, ang Epigrammata (1766) ni Bartolome Saguinsin; at ang mga unang nakilalang taal na manunulat ay mga bilinggwal na tinawag na mga ladino dahil sa kanilang tatas sa Español at Tagalog.1

Sa pinulungang Binisaya, ang pagsasalin ay paghuhubad. Maaaring ang datíng nito sa iba ay kakatwa at bastos, subalit kung ating huhubaran ng kahulugan ang hubad, sa konteksto ng pagsasalin, agad nating mapagtatanto ang kaangkupan ng salitang ito. Dalawang konsepto ng hubad ang aking ilalatag. Una ay ang kahulugan ng hubad sa Tagalog: “walang damit mula baywang paitaas.”2 Totoo naman talagang sa kontexto ng pagsasalin, parang tinatanggalan ng damit ng tagasalin ang orihinal na texto upang lubos na malantad sa kaniya ang buong kahulugan nito. Sa gayon, muli niyang masasaplutan ng ibang angkop na damit ang lawas ng texto. Ikalawa, sa pinulungang Binisaya naman, ang hubad ay nangangahulugang “kinalag ang tali.”3 Parang tinatanggalan ng tali ng tagasalin ang nakagapos na texto upang ito’y palayain. Binibigyan ng láya ang tagasalin upang maipahayag ang texto sa ibang wika, subalit ang láyang iyon ay nalilimitahan pa rin ng kaniyang tungkuling maging tapat sa orihinal na texto. Ang totoo, ang paghuhubad ay gawaing mapangahas – paghuhubad man ito sa harap ng iniirog sa totoong búhay, o sa Musa ng textong isinasalin. Kayâ naman, naging palasak ang katagang Italyanong “traduttore, traditore” na sa Tagalog ay “taksil ang tagasalin.” Ganoon kataas ang antas ng kahingian sa paghuhubad.

Dalawang taon na ang nakalipas nang magsimula ang pagkahumaling ko sa paghuhubad. Nakasakay ako noon sa barko mula sa halos isang linggong pakikipagbuno sa Iligan National Writers Workshop nang makatanggap ako nang mensahe mula sa isang kaibigang manunulat na nanghihikayat sa aking maghubad ng The Prophet ni Kahlil Gibran mula sa Ingles patungong Binisaya o Waray. Siya man ay nagsasalin din ng isang klasikong texto, at nangakong tutulungan akong maghanap ng limbagan kung sakaling matapos ko ang paghuhubad. Kayâ naman, doon mismo sa kabin ng barko, mula Iligan patungong Cebu, sinimulan ko ang paghuhubad sa akda. Napapanahon din iyon sapagkat matagal na akong nag-iisip ng paksa para sa aking masteradong tesis. Napagtanto kong maaari kong pag-aaralan ang proseso ng aking paghuhubad lalong lalo na ang mga estratehiyang aking magagamit at ang mga suliraning aking makatatagpo habang naghuhubad. Ang proyektong ito ay parang pagtirador sa dalawang ibon gamit lamang ang iisang bato, ‘ika nga. Dahil sa pinagsasabay ko ang pagtuturo at paghuhubad, natapos ko ang unang burador ng “An Manaragna” sa loob ng mahigit isang taon. Ngayon, dahil sa kuwarentina ay nasa pinal na pagrerebisa na ako. Bukod pa rito, nitong Agosto lamang, bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika, ay nakapagpaskil ako ng tatlumpung tulang Tagalog at Ingles na aking hinubad patungong Ninorte Samarnon, isang varyant ng pinulungang Binisaya.

Sa gitna ng pandemya, naging kawili-wili para sa akin ang paghuhubad. Napagtanto kong napakalaki ng papel na ginagampanan ng paghuhubad sa pagkatuto ng mga mamamayan. Sa panahong ito ng kawalang-katiyakan, dapat lámang busugin ang taumbayan, hindi lámang ng ipinamamahaging relief goods, kundi lalo’t higit ng mga tumpak at tiyak na impormasyon hinggil sa pagsugpo at paglaban sa COVID-19. Kung kayaâ, matapos kong mabása ang paskil sa Facebook ng isang kaibigang manunulat na nanghihikayat na maghubad ng mga materiyal pan-COVID patungo sa mga rehiyunal na wika, ay agad akong sumunod. Dinawnlod ko ang kalakip na polyeto ng paskil, at hinubad ang materyal patungong Ninorte Samarnon. Matapos kung ipinaskil ang aking salin sa Facebook, ay napakarami ng nag-share. Ang mga humingi ng softcopy ng polyeto ay pinadalhan ko rin sa email. Nagprint din ako ng mga kopya ng polyeto at ipinasabay ko sa Sangguniang Kabataan sa kanilang pamimigay ng mga sabon at sanitizer. Bukod pa riyan ay naghubad rin ako ng isang impormatibong kuwentong pambata na pinamagatang “Coronavirus an Akon Ngaran” na ipinaskil ko rin san aking Facebook.

Bago pa man ang pagsabog ng COVID-19 bilang isang pandemya, ang pangangailangang maghubad ay kapansin-pansin nang lubhang kailangan sa panahon ng krisis. Ang kakulangan sa paghuhubad mismo ang lumilitaw na isa sa mga pangunahing sanhi kung bakit hindi agad maunawaan ng mga tao ang pagkakritikal ng mga paparating na krisis. Dahil dito, kadalasang naaantala ang magkakasamang tugon upang maiwasan, labanan o bawasan man lámang sana ang peligro na maaring dala ng isang krisis tulad ng pandemya sa COVID-19. Halimbawa, ang pagbabago ng klima ay isang pamilyar na isyung pangkapaligirang madalas na itinuturo sa mga paaralan at patuloy na itinutulak ng mga tagapagtaguyod para sa pandaigdigang pansin at sama
samang pagtugon. Ngunit hanggang sa puntong ito, ang isyung ito ay para bang hindi agad nangangailangan ng kagyat na pagkilos.4

Napansin rin ito ni Sheila Jasanoff sa kaniyang pag-aaral hinggil sa ugnayan ng agham sa klima at magkakaibang sistemang kaalaman sa kultura. Ang obhektibong katotohanan tungkol sa pagbabago ng klima ay bunga ng kasunduan ng mga siyentista, ngunit ang “pagkakaugnay ng pag-unawa ng mga siyentista sa mga katotohanan ay hindi katulad ng pagbibigay-daan sa publiko sa mga pag-unawang iyon.”5 Kayâ naman, agarang sinasalà ng publiko ang mga katotohanang ito na tinatawag ni Jasanoff na “civic epistemologies.”

Samakatuwid, itinaguyod niya ang “mas mabibisang proseso ng pagpapagitna at pagsasalin tungo sa mga proseso ng pagbuo ng kaalaman.”6 Para sa kaniya, nangangahulugan ito ng pagsasama-sama ng mga kaalaman at mga pagpapahalaga kung saan ang mga katotohanang pang-agham ay may pagsasaalang-alang sa mga pagkakaiba sa pangkulturang pagtanggap sa pamamagitan ng pagsasama nito sa kanilang “civic epistemologies.”

Sa isa pang pag-aaral nina Matthew Hunt et al., naiulat na ang lindol sa Haiti noong 2010 at ang krisis sa paglikas ng mga Rohingya ay dalawang halimbawang nagpakilala sa pangangailangan ng paghuhubad sa panahon ng krisis. Kasunod ng lindol sa Haiti, “libu-libong mga boluntaryo na nagsasalita ng Creole at Pranses — higit sa lahat ang mga taga-Haiti at mga miyembro ng diasporang Haitian – ang naghubad ng mga papasok na mensahe sa SMS at mga tawag sa telepono. Inihatid nila ang mga ito sa mga pangkat na nagbibigay ng tulong at isinama sa mga crowd-sourced live map na nagbibigay ng real-time na impormasyon tungkol sa lokasyon ng mga nasugatan at mga napinsalang imprastraktura.”7 Ginamit nila ang teknolohiya upang mapadali ang daloy ng mga kinakailangang impormasyon at tulong, at ginampanan naman ng paghuhubad ang mahalagang bahagi ng paglampas sa mga hadlang pangwika. Ayon sa Translators Without Borders (TWB), kahit na napabuti ang paghahatid sa mga impormasyon, “ang mga hadlang pangwika at ang mababang akses sa medya ay nagkait pa rin sa maraming Rohingya ng mga impormasyong kailangan nila upang maunawaan ang kanilang mga karapatan, makuha ang suportang kailangan nila, at makagawa ng matatalinong pasya.”8

Ang Rohingya, bilang nag-iisang wikang nauunawaan at ginagamit ng mga lumikas na Rohinya ay ang mas malaking hamon sa pakikipagtalastasan. Samakatuwid, may mga panukalang “gamitin ang Rohingya bilang wika sa pakikipagtalastasan sa mga lumikas” at “mamuhunan sa pormal na pagsasanay sa mga tagasalin sa wikang Rohingya.”9 Pareho itong tumutukoy sa gawain ng paghuhubad na iminumungkahi ng TWB na dapat isagawa ng mga piling tao sa pamayanan na higit na sanáy sa paghuhubad dahil sila ang pinakaunang nagpapamalas ng husay sa kanilang sariling wika.

Ayon kay Hunt et al., ang kagyat na pangangailangan sa paghuhubad ay maaaring tukuyin bilang “pagsasaling pankrisis.” Tinukoy nila ang krisis bilang “isang kaganapan, o serye ng mga kaganapang nagdudulot ng banta at nangangailangan ng isang tugon upang mapagaan ang pinsala.”10 Tulad ng ipinakita sa mga halimbawa sa itaas, ang pagtugon sa krisis ay may ikinakaharap ding mga tiyak na hamong pangtalastasan kung saan nagmumula ang pagkakaiba-iba ng mga wika. Sa gayon, tinukoy nila ang pagsasalin pankrisis bilang “kilos ng paglilipat ng kahulugan at pag-i-encode ng kultura mula sa isang sistema ng wika/kultura patungo sa isa pa, sa nakasulat, pasalita o nakasenyas na mga anyo, bago, habang o pagkatapos ng isang krisis.”11

Sa mga pagkakataong ito na nasasapanganib ang búhay at ang impormasyon ay kagyat na kailangan sa gitna ng mga hadlang pangwika, ang paghuhubad, tulad ng tinuran ni Federici at O’Brien, ay may malaking papel na ginagampanan sa “pagbabawas ng panganib.”12 Ang paghuhubad ay hindi lamang nakapagliligtas ng búhay ngunit nakababawas din ito ng mga pinsala at pagkalugi sa mga ari-arian.

Pinatindi lamang ng COVID-19 ang pangangailangan para sa paghuhubad na tinugon naman ng mga mamamayan sa iba`t ibang panig ng mundo. Ang mga inisyatiba sa paghuhubad ng mga impormasyon tungkol sa krisis at mga hakbang upang maiwasan ang impeksiyon, at mapigilan ang pagkalat ng virus ay ginagawa ng ilang tao para sa kani-kanilang mga lokalidad. Halimbawa, sa mabundok na mga rehiyon ng Tibet ng kanlurang lalawigan ng Sichuan sa Tsina, iniulat ni Yu Lha ang pagsisikap na ihubad ang mga impormasyong pangkalusugan mula sa Mandarin o Amdo Tibetan patungo sa apat na wikang Gyalrongic (rTa’u, Minyak, rGyalrong, at Khroskyabs) na sinasalita sa kanilang rehiyon.13

Ang mga saling ito na ipinakita sa mga video at ipinakalat sa social media, ay partikular na mahalaga sa mga monolinggwal na nakatatanda, dahil sila ang pinakamadaling tablan ng virus. Itinaas nito ang kamalayan ng mga tao at pagkamaalam sa krisis sa pamamagitan ng paggamit ng kanilang sariling wika. Bukod sa nakukuha nilang mga impormasyon, natutuklasan din nila ang pagkakaiba-iba sa mga wikang sinasalita sa mga kalapit nilang lokalidad. Wika ni Yu Lha, “ang pagsasalin ay nagdudulot ng pagkilala at paggalang sa ating mga wika.”14

Higit na napahusay at napadali ng teknolohiya ang paghuhubad sa gitna ng pandemya. Si Sudesna Roy Chowdhury, na kamakailang itinampok sa Channel News Asia, ay gumawa ng isang portal ng mga salin para sa mga mangagamot na kinukonsulta ng mga migranteng pasyenteng Bengali sa Singapore.15 Madaling mahahanap sa isang website ang kaniyang mga hubad sa Bengali ng mahahalagang terminong ginagamit upang malaman ang kalagayan ng pasyente at ang mga sintomas ng sakit. Nakatutulong din ito upang makausap nang mabuti ang mga pasyente at makakuha ng mga kinakailangang impormasyon tungkol sa kani-kanilang kalagayan. Kung isasaalang alang kung gaano kadami ang mga pasyente at kung gaano kahirap maghanap ng mga tagasalin sa pahanong ito, ang website ang tumutulong sa mga manggagamot upang mas mabilis na matukoy ang mga seryosong kaso na nangangailangan ng agarang pansin. Dahil sa pagdami ng mga boluntaryong tagasaling Bengali, ang website at patuloy na ina-upgrade, at naisalin na sa pitong iba pang wika.16

Sa Pilipinas, ang mga impormasyon hinggil sa pandemya ay isinalin rin sa iba’t ibang mga wika ng mga rehiyon ng Pilipinas sa tulong ng mga lokal na pamahalaan at medya. Pagkatapos, ang mga ito ay ibinahagi sa publiko sa pamamagitan ng mga lokal na radyo at telebisyon pati na rin sa social media. Subalit, may iilang natatanging mamamayan na gumawa ng mga inisyatiba ng pagsasalin sa gitna ng pandemya sa COVID-19.

Halimbawa, sa Silanganing Bisayas, nakapaghubad ng mga materyal pan-COVID ang ilang kasapi ng KATIG, isang hugpo ng mga manunulat sa Samar at Leyte. Kinilala naman ang mga inisyatibang paghuhubad ng Facebook page na Magbikol Kita ni Victor Dennis Nierva17 ng Language Warriors PH, isang publikong pangkat ng Facebook na pinasimulan ng University of the Philippines Department of Linguistics. Patuloy na nakikipag-ugnayan ang Language Warriors PH sa mga indibidwal at mga pangkat sa buong Pilipinas na kasalukuyang naghuhubad ng mga materyal pan-COVID 19.18 Mayroon itong imbakan ng mga hinubad na materyal at infograpiko sa iba`t ibang mga wika sa Pilipinas na maaaring magamit ng sinumang nangangailangan. Nagsisilbi rin itong imbakan ng mga kahilingan para sa pagsasalin mula sa mga institusyong medikal at iba pang mga ahensyang nakikibahagi sa pagtugon sa krisis. Sa kasalukuyan, may mga salin na ito sa 68 na wika, at dayalekto.19

Sa isang birtuwal na lektura na napanood ko tungkol sa pagsusulat sa panahon ng pandemya, nasabi ng premyadong manunulat na si Jun Cruz Reyes na sa panahong ito ng krisis, ang pangunahing papel na dapat gampanan ng mga manunulat ay ang pagbibigay ng “rhythm and reason” sa pag-iral ng tao. Saganang akin, ang paghuhubad ang tugon sa pangangailangang ito sa gitna ng ating salimuot at pagkabalisa.

Mga Tala

1 Resil B. Mojares, “The Circuits of Translation: The Philippines and the World,” Journal of English Studies & Comparative Literature, 16 (March 2017) 11.
2UP Diksiyonaryong Filipino, https://www.diksyonaryo.ph
3Ibid.
4 Victor John Loquias, “The Ethics and Exigency of Translation Magnified by the COVID-19 Pandemic,” Social Ethics Society Journal of Applied Philosophy (July 2020), 153.
5Sheila Jasanoff, “Cosmopolitan Knowledge: Climate Change and Global Civic Epistemology” in The Oxford Handbook of Climate Change and Society Edited by John S, Dryzek, Richard B. Norgaard, and David Schlosberg (New York: Oxford University Press, 2012), 2, DOI:10.1093/oxfordhb/9780199566600.003.0009.
6Ibid, 9.
7 Matthew Hunt et al., “Ethics at the Intersection of Crisis Translation and Humanitarian Innovation,” Journal of Humanitarian Affairs 1(3) (2019), 24, http://dx.doi.org/10.7227/JHA.022.
8 TWB, “The Language Lesson: What We’ve Learned about Communicating with Rohingya Refugees” November 2018 (Accessed April 18, 2020), 4,
https://translatorswithoutborders.org/wpcontent/uploads/2018/12/TWB_Bangladesh_Comprehension_Study_No v2018.pdf.
9Ibid, 29.
10 Hunt et al., “Ethics at the Intersection of Crisis Translation and Humanitarian Innovation,” 25. 11 Ibid.
12 Federico M. Federici and Sharon O’Brien, “Translation as Risk Reduction” in Translation in Cascading Crises (London: Routledge, 2019), https://doi.org/10.4324/9780429341052.
13 Yu Lha, “Fighting the coronavirus in local languages,” Language on the Move, 17 February 2020 (Accessed April 15, 2020), https://www.languageonthemove.com/fighting-the-coronavirus-in locallanguages/?fbclid=IwAR09iOgFwZH-zxDdih6hdiAP-KFrV39dB6SqmLXaKa9znjd3xcgh2MFkeM. 14 Ibid.
15 Christy Yip, “‘Your website will save lives’: NUS graduate builds translation portal for medical teams treating migrant workers” (Accessed April 17, 2020) https://www.channelnewsasia.com/news/cnainsider/COVID 19-nus-medicalgraduate-bengali-translators-workers-12650406.
16 Loquias 157.
17 https://www.facebook.com/magbikolkita/
18 https://www.facebook.com/groups/LanguageWarriorsPH/
19 Loquias 158.

Tungkol sa May-akda

Si Mark P. Bonabon ay makata at senior high school teacher mula sa Biri, Hilagang Samar. May mga akda na siyang nailathala sa Liwayway, Philippines Graphic, The Modern Teacher at Novice. Naging fellow siya sa Iligan National Writers Workshop noong 2018 at Lamiraw Creative Writing Workshop noong 2017 at 2019, at Palihang LIRA ngayong taon. Para sa kaniyang masteradong tesis, isinalin niya sa Waray ang The Prophet ni Kahlil Gibran.