Lanylyn Bellen

Nilalagnat itong lungsod,
giniginaw ang mga sikmura
walang lugaw na nakahaing pamawi
sa ngatog ng lupaypay na sistema.

Nilalagnat itong lungsod
kapos ang bawat paghinga,
habol-habol ang hanging
tinatakasan ang baga—

walang oksidyen sa mga
iskwater at bangketa.

Nilalagnat itong lungsod
naninikip ang dibdib
reseta’y pagtahimik
busalan ang bibig.

Nilalagnat itong lungsod,
bayrus ay patuloy sa pagkalat
hindi mahagilap, hindi maampat
hindi mahanapan ng lunas—

lumalala, hindi lang hininga ang pinipigtas.