Mark Angeles
Kalookan City

Mag-a-alas-onse ng umaga ng Mayo 13 nang una kong masagap ang The Practice of Everyday Life ni Michel de Certeau. Pinayuhan ako ni Dr. Michael Francis Andrada, ang aking MA thesis adviser, na basahin ang aklat. Ang Miyerkules na iyon ang unang araw ng total lockdown ng Barangay 156, East Bagong Barrio, Kalookan City kung saan ako nakatira.

Para kay Certeau, magkaiba ang lugar at espasyo. Ang lugar ay isang agarang pagsasaayos ng mga puwesto. Nagpapahiwatig ito ng aspekto ng “kinalulugaran.” Habang ang espasyo ay mga variable—nababago o paiba-iba—isang interseksiyon ng mga katangiang maililipat (117).

Kapag nilalakaran ng mga tao ang mga lugar—ang mga kalye, eskinita, kalsada, at iba pa—ginagawa nila itong ganap na espasyo. Lumilikha ang mga tao ng mga shortcut at detour. Ang pagsasanay na ito ay tinawag ni Certeau na “the practice of the ellipsis of conjunctive loci” (389).

Ibabahagi ko ang aking praktika, ayon kay Certeau. Mula nang magturo ako sa Senior High School sa Notre Dame of Greater Manila, halos linggo-linggo akong namimili sa Waltermart Muñoz. Espasyo ko ang ruta papunta sa mall na iyon. Dinadala ako roon ng dyip mula sa Caltex sa EDSA corner Urbana Plata Road sa Kalookan hanggang sa tapat ng Waltermart sa Quezon City.

Isang linggo bago ang kauna-unahang community quarantine sa Metro Manila, na nagsimula ng alas-dose ng madaling-araw ng Marso 15, dalawang beses akong sumugod sa grocery para mag-stock ng mga kailangan sa bahay.

May post na sa Facebook page ni Mayor Oscar “OCA” Malapitan na sususpindihin ang lahat ng klase sa buong Kalookan mula Marso 10 hanggang 11. Kaya noong Martes ay nagbiyahe ako papunta sa Waltermart. Katapat ko sa dyip ang isang mag-iina: ang matriyarka, ang kaniyang anak o apo na yata na babaeng tinedyer na may kandong na babaeng sanggol. Wala silang suot na face mask. Panay ang ubo ng matriyarka, may kasamang halak, habang nagpapadede ang tinedyer. Ni hindi nagtatakip ng bibig.

Huwebes ng gabi, Marso 12, nag-post si Oca para kumpirmahin na mayroon nang residente ng Kalookan na nagpositibo sa COVID-19. Sa gabing iyon din inanunsiyo ni Pangulong Rodrigo Duterte ang 30 araw na lockdown ng Metro Manila, kasabay ng pagdedeklara ng Code Red Sublevel 2.

Bago abutan ng lockdown, sumugod ako ulit sa Waltermart kinabukasan. Pito kaming nakasakay sa dyip. Lahat kami ay naka-face mask, maliban sa isa, na siya pang ubo nang ubo. Ramdam mo ang kati ng lalamunan niya, habang paulit-ulit siyang lumalagok ng tubig mula sa dala niyang bote ng mineral water. Patay-malisya na lang kami ng ibang mga kasama kong pasahero.

At gaya ng ayaw maabutan ng Araw ng Paghuhukom, iniba ng kaliwa’t kanang panic buying ang espasyo ng grocery. Bumper-to-bumper ang mga shopping cart. Nakatatlong ikot ang pila ng mga magbabayad sa mga cashier, na kulang ng mga tao. May isa pang singkit na matandang lalaking walang face mask ang parang naghahamon na umubo malapit sa aming mga nakapila.

Tuluyang pinatay ang transportasyon, kaya iyon na ang huling punta ko sa Waltermart. Nagdeklara ng curfew sa buong Kalookan noong Marso 15. Nang sumunod na araw, idineklara ni Pangulong Duterte ang Luzon-wide Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Lalong lumiit nang lumiit ang espasyo ko. Wala akong kotse. Wala akong motor. May kalas-kalas na mountain bike sa bodega namin, inuwi ng tatay ko mula Saudi. Pero ni hindi ako marunong magbisikleta.

Na-maximize ko ang pamamalengke sa kabilang tulay. Naglalakad ako mula sa bahay paakyat ng footbridge na nasa ibabaw ng NLEX, papunta sa talipapa sa kabilang Bagong Barrio (nang gawin namin itong espasyo, binansagan namin itong Gobang). Doon ako bumibili ng prutas, gulay, seafoods, at panrekado. Naging suki tuloy ako ng isang fruit stand, dahil sabi ng tindera, ako lang ang bumibili ng mga grapefruit niya, hanggang sa maubusan siya ng supply.

Natuklasan ko ang isang convenience store na dalawang dipa lang ang laki. Doon na ako bumibili ng tinapay, kape, at palaman. Pero hindi sapat ang tinda nila. Napilitan akong maglakad ng isang kilometro para marating ang Kempmart. Halos kasinlaki lang ito ng grocery sa isang palapag ng Waltermart. Tingi-tingi ang mga paninda. Puro mga naka-sachet. Mas marami ring tsitsirya at mga produktong hindi kilala ang tatak, kahit mantika, toyo, at suka. Tumatagal din ako sa pila, dahil inaabot ng siyam-siyam ang pagbibilang ng mga cashier sa supot-supot na baryang ibinabayad ng mga nauna sa akin. Siguro karamihan sa mga bumibili roon ay mga may-ari ng mga sari-sari store.

Noong Marso 21 lang ako nagka-quarantine pass. Tatlong magkakaibang forms ang pinirmahan ko sa magkakaibang araw bago ko iyon nakuha. Balak pa ata akong i-enrol sa Alternative Learning System (ALS), dahil pati ALS Household Information sheet ipinapirma sa akin. Kailangang dala ko ang quarantine pass kahit saan ako magpunta.

Nangyari ang sinabi ni Certeau. Dumaan ako sa mga eskinita at kalsadang hindi ko nakagawiang daanan bago mag-lockdown. Nagkaroon ako ng mga bagong suki. Gumawa ako ng mga sarili kong shortcut at detour para mapuntahan ang mga mapagkukunan ng supplies.

Ang routine ng pagbili ng almusal ay naging faux flâneur ko. Mula sa banta ng pagkakaroon ng cabin fever, nagkaroon ako ng pagkakataong makapag-jalan-jalan o suroy-suroy. Nakakakuwentuhan ko pa ang mga tindera. Nalaman kong isa sa kanila ay may anak na Person with Disability (PWD), kaya na-requalify sa Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). May gumigising ng alas-kuwatro ng madaling-araw para mamalengke sa Balintawak, at nadadatnang tulog pa ang mga pulis sa checkpoint. May nagsara ng ilang linggo dahil hirap sa pagkuha ng mga kailangan sa paninda. Nawala na rin ang suki kong may kariton ng saging. Umuwi na raw sa kanila, sabi ng isa pang nagkakariton din ng prutas. Sana ganoon nga ang nangyari.

Nakakapraning naman talaga ang quarantine. Kung dati, nag-aabang ako ng deklarasyon na walang pasok sa Facebook page ni Oca, araw-araw na akong nagtsetsek kung ano ang bago sa lungsod namin. Marso 23 lang sila nag-post ng tally ng mga may COVID-19. Matapos ang limang araw, may lumabas nang isang kompirmadong pasyente sa Barangay 151, isa sa mga barangay sa Gobang. Nakakapraning dahil baka higit pa rito ang bilang ng mga pasyente sa amin, nailipat sa pera o paninda ang virus, o nakabunggo namin. Hindi namin malalaman dahil walang maayos na planong mass testing ang gobyerno. Nakakapraning maski ang tunog ng trompa o loudspeaker tuwing pumapalo ang alas-otso ng gabi, dahil parang hudyat ito ng tsunami o The Purge.

Alas-sais ng gabi ng Marso 31, biglang nawalan ng ilaw. Pumutok daw ang transformer sa Ramelon Street. Narinig ko ang sigawan sa labas. Bwisit daw, andaming jumper. Ilang ulit na rin akong nag-report sa Meralco na magpadala ng mga magtsetsek ng naka-jumper dito. Ilang araw matapos iyon, may sumabog ding transformer sa kabilang Bagong Barrio. May sumabit daw na saranggola, kaya pumutok. Service Road lang ang maluwag na espasyo sa Gobang. Kahit langit ay masikip. Kapag naghabulan ang mga bata rito, siguradong may masasagi. May mga bahay na walang bintana, kaya parang pugon sa init. Kaya ang quarantine ay parang bartolina para sa marami. Takaw-sunog kapag nawalan ng kuryente.

Sa post ni Oca noong Abril 5, may isa nang residente ng Barangay 156 ang nagpositibo sa COVID-19. Matapos ang dalawang araw, hindi nabago ang datos, maliban sa namatay na ang pasyenteng ito. Ang bali-balita, inatake raw siya sa puso at dinala sa ospital. Sa ospital nakuha ang coronavirus. Tinest na ang mga kaanak na pumunta at nagbantay sa ospital.

Nang bumili ako ng almusal noong Abril 18, nalaman kong 13 na ang positibo sa aming barangay. Nung nakaraang gabi kinuha ang mga pasyente. Kinagabihan, nakompirma sa post ni Oca ang datos. Barangay namin ang nag-top 1 sa lahat ng mga barangay sa lungsod.

Noong Mayo 3 lang nagkaroon ng swab testing sa Barangay 156. Matapos ang isang linggo, idineklara ni Oca na ila-lockdown ng tatlong araw ang barangay, mula Mayo 13 hanggang 15. Lumabas sa post ni Oca ang totoong dahilan. Umabot na pala sa 25 ang kaso ng mga may COVID-19 sa barangay namin. Top 1 na naman kami.

Maaga akong gumising sa unang araw ng total lockdown. Gusto kong lumabas sa terrace at kumanta ng ‘Bella Ciao,’ sa saliw ng ukulele ko. Alam kong walang sasabay sa pagkanta, hindi gaya ng mga napanood kong nag-viral sa Italy at China. Wala pang naglalabas ng upuan para sa food packs. Wala pang nagbubukas ng TVplus (iyong ingay ng “chuchurutchurutchutchut” kapag binuksan mo). May isang nakatambay na sa gate nila. May isang namimintana na rin.

Maghapon kong binasa ang The Practice of Everyday Life, naghanap ng mapupulot para isama sa quaranthesis ko. Thesis mode pa rin nang sumunod na araw. May namataan na akong mga nilabhang damit ng kapitbahay na nakasampay sa kawad ng PLDT. Dalawang saranggola na ang napansin kong sumabit sa mga kawad at poste ng kuryente. May namataan akong tatlong tisikong naka-orange vest na dumaan sa aming eskinita. May narinig pa akong mga nagrereklamong may rapid pass na pinalabas, pero hindi pinayagang papasukin nang bumalik. Nasaksihan ko ang mga ito mula sa terrace. Ikinulong kami ng gobyerno, pero hindi mapipigilan ang mga mata’t tainga kong mag-flâneur.

May 15, Biyernes ng gabi dapat matatapos ang hard lockdown. Kaso in-extend ni Oca hanggang sa Miyerkules, Mayo 20. Walong araw! Mas matagal pa ang hard lockdown namin sa Barangay Addition Hills, Mandaluyong (Mayo 7-13) noong mga panahong iyon. Nag-extend daw dahil hinihintay pa ang resulta ng mahigit 100 swab tests ng mga residente ng barangay. Backlog na naman ang problema. Ang tanong ko, balak na bang i-swab test ang lahat ng residente? Nasa 6,000 katao kami.

Malaking problema dahil bumili lang kami ng pagkain para sa tatlong araw, gaya ng unang anunsiyo. Nagkakaubusan na ng supplies. Paano na? Mamamatay kami sa gutom! Ang espasyo namin ay nasa palugit lang ng aming mga bahay at bakuran. Ang nag-expand ay espasyo sa cyberspace. Gumawa ng Facebook group ang Sangguniang Kabataan (SK). At dahil bawal lumabas ang lahat ng mga residente, dinumog sila ng mga nagpa-pasabuy. Nagkapatong-patong ang mga nagpapabili ng pagkain, diapers, gamot, tubig, gasul, at iba pa sa mga SK at kagawad. Pati yosi at tsitsirya ipinabili. Nagmistulang utusan tuloy ang mga frontliner. Naligo sila sa ulan nang wala sa oras, kaya pinatigil ang munting pandemonium na naganap. Lalo’t kinagabihan, nag-landfall ang bagyong Ambo.

Ang inaasahan ko ay papayagan kaming mag-market run, pumunta sa talipapa, kahit dalawang oras lang. Pero dumating ang Sabado, ang ikaapat na araw ng lockdown, na nakakuwarantina pa rin kami. Buti at tinulungan ako ni Arnol Meridor, editor ko sa DIWA Textbooks, na namalengke para sa limang araw kong pangangailangan. Dinala niya ang mga iyon sa checkpoint sa footbridge. Naroon ang mga PNP, DPSTM, at tanod na maghahatid ng mga pinamili sa mga bahay-bahay. Sumikat ang footbridge na iyon dahil sa babaeng kutis-rejuvinating na nag-viral nang magpumilit pumasok sa barangay namin. Naka-shawl pa siya na ang disenyo ay tadtad ng mga mukhang SARS-CoV-2.

Dahil sa Facebook group ng mga SK, nalaman kong bukod sa pagkain, problema rin ng mga kabarangay ko ang pagbili ng mga maintenance na gamot. May kabarangay pala akong post-dialysis. Kailangan din ng diapers at tubig para sa mga sanggol, bata, at seniors. Dahil dito, naging problema kung paano ang sistema sa disposal ng soiled diapers. Ang naging siste tuloy, nagsisigawan ang magkakapitbahay kapag may basura. Pupuslit kami para dalhin ang mga supot ng basura sa bukana ng eskinita, at itatambak doon para kunin ng mga basurero. Takbuhan kami pabalik sa mga bahay namin, sa takot na maabutan ng PNP.

Pagdating ng Linggo, “complete” lockdown na rin ang Barangay 12 (Dagat-Dagatan). Sa huling datos na ipinaskil ni Oca, may 25 COVID positive na sa kanila, kapantay namin. Iba lang sa kanila, dahil isang pasada na ang anunsiyo ng lockdown. Kaya ang paghahanda ay para sa isang buong linggo na. Hindi gaya sa amin na naghanda kami para sa tatlong araw, ie-extend pala ng halos isang linggo. Nang araw ding iyon lumabas ang tally sa page ni Oca. Nadagdagan ng isa ang mga may COVID sa datos ng barangay namin. May 26 kaming positibo, habang ang Barangay 12 ay umabot na pala sa 30. Ilang araw pa ang lilipas at mapapabalitang pati ang ilan sa kanilang mga opisyal ay nagpositibo na rin.

Fiesta ng barangay namin nang Linggong iyon. Inabutan kami ng hard lockdown. May mga kapitbahay akong nabiyayaan ng pansit, galing sa ayuda. Pero hindi rin nakaabot sa marami. Tahimik na lumipas ang buong araw, kahit may nagpatugtog at pinatay rin.

Natapos ang total lockdown ng Barangay 156 noong Mayo 20, Miyerkules. Red Horse na ang dinig ko sa Red Cross. Nang araw na iyon, nagpasabog ang COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) na nasa 2nd wave na pala ang bansa, na binawi rin kalaunan. May 6,500 tests pang backlog, dahil na rin sa VIP testing na nag-delay ng trabaho ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).
Muli naming narinig ang mala-The Purge na sirena ng trompa.

Niluwagan na rin ang iskedyul ng pamamalengke sa talipapa, hanggang sa hindi na kailangang magpakita pa ng quarantine pass. May mga nasa checkpoint na talagang nanghahawak ng pass para basahin ang nakasulat. May mga pagkakataong naiisip ko ring sana hindi ka-DDS ang mga nasa checkpoint dahil ID ko sa UP Diliman ang ipinapakita kong card na may retrato. May pangambang magaya kay Winston Ragos.

Muli akong nakapag-faux flâneur/jalan-jalan/suroy-suroy. Pero hindi ba’t ang flâneur ay hindi lamang tulak ng anyaya ng pamamasyal, kundi dala ng alienasyon sa lungsod at kapitalismo? Ang flâneur ay pagsuyod at pag-iimbestiga sa lungsod (2004, 47). At gayong nakabilanggo ang pisikal na katawan sa lockdown, lumilitaw pa rin ang creative resistance ng mga tao.
Tatlo sa kakilala kong makata ang naapektuhan ng hard lockdown. Isa sa kanila ay nakatira sa Barangay 12. Ako naman ay hindi pa rin malaman kung saan huhugot ng pantustos para manatiling buhay sa panahong ito, lalo’t nakaambang hindi ako ma-rehire sa aking pagtuturo.

Binago ng lockdown ang personal kong mapa ng Gobang. Binago nito ang aking paglalakad, ang aking wisyo. Pero higit nitong dinagdagan ang aking sindak nang mabalitaan ko ang nangyari kay Gally Dilao, ang kapitan ng Barangay 151 na unang lugar na nagka-COVID dito sa Gobang. Madaling-araw ng Hunyo 20, habang naglalakad si Kapitan, marahil pauwi na sa kanyang bahay, ilang ulit siyang binaril ng mga naka-black bonnet na riding-in-tandem hanggang sa masiguradong hindi na siya humihinga.

Mga Sanggunian

Certeau, Michel de. Practices of Everyday Life. Berkeley: University of California Press, 1988.

Mayor Oscar “OCA” Malapitan. “Classes in all levels.” Facebook, 9 Marso 2020. https://www.facebook.com/MayorOscarocaMalapitan/photos/a.240946636074298/1546875838814698/

___________. “Kinumpirma ni Caloocan City Mayor.” Facebook, 12 Marso 2020. https://www.facebook.com/MayorOscarocaMalapitan/posts/1549640298538252.

Shaya, Gregory. “The Flaneur, the Badaud, and the Making of a Mass Public in France, circa 1860-1910.” The American Historical Review, Tomo 109, blg. 1 (Pebrero 2004), pp. 41-77.

Tungkol sa May-akda

Si Mark Angeles ay naging writer-in-residence sa International Writing Program sa University of Iowa, USA noong 2013. Ginawaran siya ng Komisyon sa Wikang Filipino ng mga titulong Makata ng Taon at Mananaysay ng Taon. Nakasungkit na rin siya ng Palanca para sa kanyang mga tula. Ginawaran ng Salita ng Taon ang “tokhang” na kaniyang ihinarap sa komperensiya ng Sawikaan 2018. Kolumnista siya ng Pinoy Weekly, literary editor ng bulatlat.com, at features contributor ng GMA News Online.