Baloloy Paterno, Jr.

Maaari bang matapos ang gabi
sa isang panaginip,
hindi sa idlip ng bangungot,
nagkukubkob ang huni
ng kinakabahang kulisap
dulot ng katahimikang nakalatag.

Mahirap isabay ang tanong
sa pumapatak na bituin,
walang habilin sa mga hiling
kung maigugupo ba ang salot
sa isang pitik,
o sa isang iglap
sa tuwing mapupunit
ang gabing nabilad sa pagkainip.

Patuloy ang pagbusalsal
ng masakara,
patuloy ang pananakot
ng pandemya.
Patuloy na sinasaklot
ang boses ng mga hikahos,
nagpapatuloy ang pagkitil
sa sinasabing salot.

Maiibsan ba ang kaba
sa patuloy na pagkumpas
ng musikerong bulag?
Hanggang kailan tayo iduduyan
ng mga pangako ng pantasya?

Tahimik na naman ang gabi,
ngunit ayaw kong ipikit
ang mga talukap,
wala akong mahahagilap
sa aking pangarap,
bangungot ang lahat
mula sa maaanghang na pangakong
hindi natutupad.